MGA MEMA AT WALA
Homiliya para sa Pangwalong Araw ng Simbang Gabi, Biyernes ng Pang-apat na Linggo ng Adbiyento, Ika-23 ng Disyembre 2022, Luk 1: 57-66
May isang karakter na nasa background ng kuwento, pero hindi binabanggit ni San Lukas sa eksenang binasa natin sa ebanghelyo ngayong umaga: si Maria. Sabi ko sa inyo kamakalawa kaya favorite storyteller ko si San Lukas dahil hindi niya sinasabi lahat sa kuwento niya. Marami siyang mga sinadya na mga puwang na iniwan niya sa imahinasyon ng mambabasa. Halimbawa, kahapon, sa dulo ng Magnificat, sinabi lang niya na tatlong buwan nanatili si Maria para alalayan ang Ate Beth niya sa panganganak.
Noong ikaanim na araw ng simbang gabi, tinawag ko ang pansin ninyo na kung nanahimik si Zacarias, nagtago naman si Elisabet at inexplain ko sa inyo kung bakit, at kung paano siya pinalabas mula sa pagtatago ng tinig ng pagbati ni Maria na nagpalundag sa batang Juan sa sinapupunan niya at pumuspos sa kanya ng Espiritu Santo. Si Maria ang bumasag sa katahimikan ni Elisabet.
Pero may isa pang katahimikan na kailangang basagin: ito ang kay Zacarias. Bukas naman natin pag-usapan ang tungkol sa inawit niya nang matapos na ang pananahimik niya. Pero kung kailangang papagsalitain ang mga nanahimik, kailangan ding patahimikin ang mga maiingay, lalo na ang mga usyoserong walang magawa sa buhay, mga intrigerong anim na buwan na iniwasan ni Elisabet.
Heto ang naiimagine kong conversation nina Elisabet at Maria nang mabalitaan ng mga kapitbahay at kamag-anak ang panganganak ni Elisabet at dumalaw sila. Palagay ko si Maria pa ang nagbukas ng pinto at nagpatuloy sa kanila. Pinasok sa silid si Elisabet at sinabi: “Ate Beth, may bisita. Haharapin mo ba sila? Mga kapitbahay daw at kamaganak, gusto daw nilang makita ang bata.”
“Hindi na siguro, Bayang. Alam ko ang pakay nila—para mag-usyoso at mag-intriga kung sino ba ang kamukha ng bata. At para sulsulan si Zacarias. Maugong na ang ikinalat nilang tsismis na kaya daw nanahimik ang asawa ko ay dahil pinagtaksilan ko siya.”
At ganito naman ang sagot ni Maria: “Ako na muna ang kakarga kay Johnny Boy. Harapin mo na sila, Ate Beth. Mas lalo ka lang nilang pag-uusapan pag pinagtaguan mo sila. Pagpasok pa lang kanina tinatanong na nila sa akin kung ano ang magiging pangalan ng bata. Gusto raw ng mga kamag-anak na Junior ang dapat ipangalan sa bata. Harapin mo sila at sabihin kung ano ang pangalan na ibig mong ibigay sa bata.”
Kaya humarap si Elisabet, kasama si Maria, na siyang may hawak sa bata. “Juan ang pangalan niya.” Pero makulit ang mga kapitbahay; pinalalaki ang intriga. Sabi ba naman nila, “Hindi ba dapat ang tatay ang pumili ng pangalan? Iyun ay kung kinikilala niya ang bata bilang tunay na anak niya.”
Sa palagay ko, pumasok si Maria sa kwarto kung saan naroon ang napiping si Zacarias. Hawak ang bata, ganito ang iniimagine kong sinabi ni Maria: “Kuya, heto ang anak mo. Junior ang gustong itawag sa kanya ng mga kamaganak mo. Sinagot sila ni Ate Beth ‘Juan’ ang gusto ninyong ipangalan sa bata.’ Ibig sabihin ‘regalo ng Diyos.’ Ito naman talaga ang regalong matagal na ninyong hiningi sa Diyos ni Ate Beth, di ba?”
Sabi ni San Lukas, nagsulat daw sa tablet si Zacarias. Lumabas sa kwarto at hinarap ang mga usyosero at pakialamerong kapitbahay at kamaganak. At ipinabasa sa kanila ang isinulat niya sa tablet: “Juan ang pangalan niya.” Sa mga sandaling iyon, bumalik sa kanyang ang sinabi ng anghel na tatawagin siyang Juan. Ang isinulat niya, ngayon ay bibigkasin niya: “Juan ang ipapangalan sa kanya.” At iyun ang bumasag sa katahimikan niya. Noon din mismo biglang natahimik ang mga madadaldal.
Kapag may pinagdaraanan ang tao, karamay ang kailangan niya, hindi mga pakialamero, usyosero at intrigero. Hindi naman lahat ng nagsasalita ay may sinasabi. Sa linggwahe ng mga kabataan ngayon, MEMA ang tawag yata sa ganyan—sumasabat para lang “may ma”, may masabi. Siguro kahit parehong nakikisangkot ang pakialamero at nagmamalasakit alam natin ang pagkakaiba ng dalawa. Negative ang pakikialam, positive ang pagmamalasakit.
Ang tunay na karamay, inaalam niya ang kalagayan ng mahal sa buhay hindi sa hangaring makialam kundi upang magmalasakit. Ang tahimik na pagdamay ng ginawa ni Maria, ito ang mabisang gamot sa mga napipipi o nagtatago o nawawalan ng galak at sigla sa buhay dahil pinangunahan ng pag-aalinlangan at pagdududa.
Sa mga taong bukas ang loob sa Diyos, sa mga taong bumibigkas ng salita upang ang mga nasisiraan ng loob ay muling mabuhayan ng loob, ang Salita ng Diyos ay patuloy na nagkakatawang-tao.